MOVIE REVIEW: Hele sa Hiwagang Hapis (2016)

“Hele sa Hiwagang Hapis” (A Lullaby to the Sorrowful Mystery) Review
Written and directed by Lav Diaz

May kung anong hiwaga sa loob ng bagong pelikula ni Lav Diaz na sa unang eksena pa lang ay mararamdaman na. May kung anong pagtagos mula sa halos kwadradong litrato patungo sa pandama ng manonood. Mananatili ito sa loob ng dibdib, sa nakakuyom na palad at sa mga labing magnanais maging tikom sa kabila ng pagkamangha.

Naglalaro ang itim at puti, ang dilim at liwanag, at lahat ng matatagpuan sa gitna. Sa halip na maging sunod-sunod na imaheng walang kabuuan, ang kinalabasan ay ang pagkakapinta ng isang nakakabighaning larawan: gumagalaw, buháy na buháy at punong-puno ng kaluluwa. Sa loob ng walong oras, nagawa ni Lav Diaz na pamahalaan ang ganitong gawi habang inilalatag ang kuwento ng Hele sa Hiwagang Hapis.

hele sa hiwagang hapis movie

Sa huli ang pagtatagni ng mistulang sala-salabid na salaysay at doon may kaginhawaan: hindi dahil natapos na ang walong oras at limang minuto ng pagtutok sa panoorin kundi dahil may mainam na dulot sa pagkagutom, sa pagkauhaw at sa kawalan o halos kawalan ng pag-asa para sa sariling bayan.

May apat na sinusundang daloy ang Hele sa Hiwagang Hapis: ang kuwento ni Jocelynang Baliwag at ang isang mangingibig na musikero (Ely Buendia), ang paghahanap ni Gregoria de Jesus o Oryang (Hazel Orencio) sa asawang rebolusyonaryong si Andres Bonifacio, katuwang ang taksil na si Cesaria Belarmino (Alessandra de Rossi) at pati na sina Karyo (Joel Saracho) at Aling Hule (Susan Africa); ang pakikipagsapalaran nina Isagani (John Lloyd Cruz) at Simoun o Crisostomo Ibarra (Piolo Pascual), na paminsan-minsang nakikipagtunggali ang isip kay Basilio (Sid Lucero) at paglao’y kay Padro Florentino (Menggie Cobarrubias); at ang pakikisalamuha ng tatlong anyo ng tikbalang (babae ang kay Cherie Gil, lalaki ang kay Bernardo Bernardo, at halong babae’t lalaki ang kay Angel Aquino) habang tinutunton ang maalamat na si Bernardio Carpio, at sa paglayo’y makakahalibulo ang pinunong si Sebastian Caneo (Ronnie Lazaro).

“Tinupok ako ng hapis. Nilambungan ako ng kalungkutang waring di ko na kayang lampasan. Humihingi ako ng tawad, Isagani.”

Sa pagsasama-sama ng musika, kasaysayan, panitikan at alamat, gumawa ang Hele sa Hiwagang Hapis ng sarili nitong mundo na may pagyakap sa mismong pag-iral ng mga nabanggit. Tumugtog ang Jocelynang Baliwag at marapat nitong inihambing ang kundiman sa pagtangi sa bayan. Isa itong paalalang may marudbod na pagnanasang hamakin ang lahat para sa tinubuang lupa. Hindi panahon ang makakapagsabing naiwan na ang ganitong pag-iisip sa nakaraan; Nananatili pa rin ito sa kasalukuyan at lumagablab bilang isang malakas na damdamin. Bumigkas ng Mi Ultimo Adios sa wikang Kastila at Tagalog at may kuryenteng dadaloy upang dakilain ang kagitingan ng isang Rizal. Sa pagtatagpo ng alaherong si Simoun at ang Kapitan Heneral (Bart Guingona), mahaba-habang usapan ang iginugol sa kampayan ng alak at siyang haba ng panahong kailangan upang sariwain ang napag-aralan at nabasa. Mag-uudyok ng gigil at halaklak ang mga tikbalang, manlilito sa mga mortal, at magsisilbing panghilamos sa realidad. Mapaglaro ang mga eksena ngunit hindi ang katotohanan.

hele sa hiwagang hapis lav diaz 4

May pangil ang pakikipagtalastasan ng dalawang pangunahing tauhan na sa unang pagkakataon ay napagsama sa isang pelikula. Sa pagsabak nina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz, sa isang mapangahas na obrang may layong punan ang mga patlang na iniwan ng Himagsikang Pilipino at ng nobelang El Filibusterismo, naipamalas ang kakaibang tambalang siya ring nagpaisog sa kakayahan ng Hele sa Hiwagang Hapis na buwagin ang kung ano mang harang na pumapagitna sa patok at sa di-nakasanay.

hele sa hiwagang hapis alessandra de rossi

Kailanman ay hindi biro ang walong oras. Kung may isang bagay kang kinagigiliwan, walang-wala ang oras kung susukatin ang lahat ng mapagtutuunang panahon. Nariyang magpapasakop ka na lang at magpapaubaya: hahayaang anurin ng sariling pagkalango sa di nalalagok na alak. Magpapakalasing sa sarili nating mga hilig at hindi man lang aalalahanin ang paglipas ng mga sandali. Sapagkat sa tuwing naroon tayo sa loob ng isang  bagay na malapit sa atin, walang ibang mapapansin kundi ang pagtatapos nito at doon matutunton ang halaga ng lahat. Makakasambit ng “Natapos na pala!” nang hindi man lang namamalayang may walong oras na nga ang lumipas. Saka natin pagninilayan. Saka natin masasabi sa sarili na may pakinabang ang lahat.

“Walang kabiguan sa tamang pakikibaka. Walang kabiguan sa tamang paghihintay.”

Higit sa isang hamon, ang pagbuno sa Hele sa Hiwagang Hapis ay isang katuparan ng hangaring makilalang muli ang sarili nating pagka-Pilipino. Hindi sapat ang sukat nito kung tuusin ang halaga ng mithiin, salamangka at panulaang gustong ipabatid ng pagkakahabi ni Lav Diaz. Sa huli, ito ay isang abot-kamay na paalalang dapat nating kagisnan ang nakaraan nang may buong puso at katuwiran bilang makabagong Pilipino.

Advertisements

One thought on “MOVIE REVIEW: Hele sa Hiwagang Hapis (2016)

  1. Pinanuod ko rin kahapon! Hindi ito isa lamang pelikula! Isa itong KARANASAN! Dapat siyang danasin upang maarok kung bakit sinadyang walong oras ito! Henyo! Henyo si Lav Diaz!

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s