Ngayong September 11 na ang simula ng bagong weekly drama anthology na Regal Studio Presents — ang una sa marami pang collaboration ng GMA Network Inc. at Regal Entertainment Inc. Bago pa man ito umere, game na game na sumalang ang isa sa mga bida nitong si Sanya Lopez sa live chikahan ng Regal sa Facebook at Tiktok.
Sa panayam ng Cinema Bravo, inihayag ng Kapuso gemmed actress ang labis na tuwa sa pagbibida sa unang episode ng serye na may pamagat na That Thin Line Between. Katambal niya dito ang isa pang in-demand Kapuso artist na si Ken Chan.
Nagpasalamat din si Sanya sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong pangunahan ang Regal Studio Presents sa una nitong handog na kuwento ng pag-ibig.
“Yung excitement, nandoon! Gusto kong mapanood mamaya yung magiging chemistry namin ni Ken Chan dahil first time nga.”
Huli niyang nakatrabaho sa Walang Tulugan with the Master Showman si Ken Chan. Inamin din niyang kinikilig siya sa tambalan nila para sa That Thin Line Between.

“Siyempre kinikilig ako kasi—ewan ko kung alam na ‘to ng iba pero alam ko nai-share ko na rin ‘to before—na isa si Ken Chan sa hinahangaan ko,” pag-amin ni Sanya.
“Crush ko si Ken Chan no’ng Walang Tulugan. Kasi isa talaga siya sa mga nag-approach sa akin before sa Walang Tulugan. Kaya nakakakilig din talaga na maka-partner ko na si Ken Chan—finally!”
Kuwento naman ni Sanya tungkol sa character niya: “Ako dito si Gemma Rose, isang online seller na malayo sa family niya at nandiyan yung kapatid niya na gagampanan ni Sandro Muhlach.”
Ito ang unang drama project ni Sandro matapos siyang pumirma sa GMA Artist Center. Lumalabas-labas na rin sa All-Out Sundays ang anak na ito ng noon ay tinaguriang “Child Wonder” na si Niño Muhlach.
Bukod kay Sandro, kasama rin sa That Thin Line Between ang bagong Kapusong si Shanelle Agustin. Kabilang silang dalawa sa dose-dosenang Kapuso talents na dumalo sa pinag-usapang “Signed for Stardom” — ang biggest contract signing event ng GMA.
Natawa si Sanya sa pagkakahawig ng character name niya dito na “Gemma Rose” sa halos-kapangalang character ng kapatid niya sa First Yaya na si “Gemrose” (ginampanan ni Analyn Barro na pumirma din sa Signed for Stardom noong September 5.
“Hahaha! Ganon nga! Nakakatawa! Kasi meron ding — abangan niyo, guys — meron ding Melody dito at yaya rin siya. Abangan niyo kung sino ang gaganap na Yaya Melody!”
Ang mga unang episode ng collaboration ng Regal at GMA ay sa direksyon at panulat ng isa pang in-demand director na si Easy Ferrer.
“First time kong maka-work si Direk Easy,” sabi ni Sanya. “Sobrang okay naman siyang katrabaho. Masaya at sobrang chill lang din. Nakikipagbiruan sa amin madalas.”
Ang magkaaway na magkapitbahay, pwede bang maging magkakapit-puso? Abangan sina Sanya Lopez, Ken Chan, Sandro Muhlach, Shanelle Agustin sa Regal Studio Presents: That Thin Line Between, ngayong Sabado na, 8:30 PM, pagkatapos ng Magpakailanman sa GMA Network.